"Kaya ituro mo sa amin ang pagbilang ng aming mga kaarawan, Upang kami ay mangagtamo sa amin ng pusong may karunungan."Mga Awit 90:12
"So teach us to number our days, that we may apply our hearts unto wisdom. "Psalms 90:12
Isang taon na naman ang lumipas sa aking buhay sa loob ng Iglesia. February 9, 2001 nang ako'y mabautismuhan sa loob ng Iglesia ng Dios. Ang araw na yao'y hindi makakalimutan sapagkat iyon ang araw ng pagtanggap ko ng bautimo, kasabay ng pangakong maglilingkod habang ako'y nabubuhay. Napakabilis ng araw, limang taon na pala ang nakalipas. Sa tuwing sasapit ang aking kaarawan, lagi kong naaalala ang sinasabi ni Bro. Eli na ang kaarawan ng paglilingkod sa Dios ay bibibilang. Kaalinabay nito'y ang pag-assess kung ano na ang ating narating at nagawa... Nasaan na kaya ako?
Konting Flashback...
Lumaki ako sa pamilyang may takot sa Dios. Ang tatay ko ay protestante at ang nanay ko naman ay debotong Katoliko. Tandang-tanda ko pa rin hanggang sa ngayon ang laging ipinapangaral sa amin ni Tatay, Efeso 6:1-3, at iyon ang aming kinalakihan. Bagama't ako'y binyagan sa Katoliko, di ako naging aktibo sa mga ritwal na karaniwan nilang ginagawa. Nang ako'y magkaisip, mas pinili ko ang sumama sa aking Tatay sa Protestante. Bata pa lang ako ay mahilig na ako sa Bible. Mahilig nga akong sumali sa mga Bible quiz sa school o kaya's sa aming simbahan. Dahil na rin sa mga nakikita kong di magandang pamumuhay ng aking mga kasama sa Protestante, nawalan na ako ng gana. Minsan, nasubukan ko ring dumalo sa El Shaddai ni Mike Velarde, pero di pa rin ako naging kuntento. Nang ako'y mag high-school, nagkaroon ako ng mga kaibigang relihiyoso mula sa iba't ibang pananampalataya. Subalit sa aking pagsusuri sa kanilang buhay di ko nagustuhan ang kanilang relihiyon. Sumali din ako sa iba't ibang uri ng born again fellowships at doon ako medyo nagtagal dahil nakatagpo ako ng mga barkada. Nakasama ko rin dito ang aking nanay at ibang nakababatang kapatid. Subalit hindi sumama ang aking tatay dahil sa ayaw niya ng mga lundagan at maingay ng pagkanta, ganon kasi sa born again.
Bagama't ang aking tatay ay dumadalo sa protestante, di pa rin nawawala sa kanya ang alak at sigarilyo. Nang kami'y malalaki na, kapansin-pansin ang pagiging laging aburido nya dahil na rin sa hirap ng buhay. Laging mainitin ang ulo at walang kibo. Subalit habang lumilipas ang araw, naging kakaiba ang kanyang kilos, maaliwalas na mukha at payapa. Nalaman ko sa aking nanay na nagpabautismo na pala sa Ang Dating Daan. Naging popular ang Dating Daan ng mga panahong yon dahil sa pag spoof ng Bubble Gang. Mas una ko ngang napanood ang Dating Doon. Kaya naman kinabahan ang mga pastor dahil ssa pagiging kilala ni Bro. Eli. Sabi ng pastor namin, kulto daw ang samahan ni Bro. Eli. Marami silang sinasabing laban sa ADD subalit wala namang batayan sa Biblia. Naniwala ako sa aming pastor kaya naman sabi ko sa aking tatay na huwag na nila akong yakagin pa dahil sa born again na ako mamamatay. Kaya mula noon ay naging malayo ang loob ko sa aking mga magulang. Naging inactive na noon si Nanay sa born again kaya naging malayo na rin ang loob ko sa kanya. Sinabi na lang isang araw sa akin ni nanay na bautisado na pala siya.
Sa paglipas ng panahon, nakita ko sa kanila ang malaking pagbabago. Hanggang sa ako'y magkolehiyo di pa rin ako bumitaw sa aking pananampalataya. Tumira ako sa aming pastor at sila ang nagpaaral sa akin. Kapag umuuwi ako sa amin ay nakakapakinig ako ng mga aral ni Bro. Eli sa TV at talagang iba sa lahat ng aking napakinggan. Nagsimula akong manlamig sa born again. Ang unang galit na aking nararamdaman habang nanonood ng pangangaral ni Bro. Eli ay napalitan ng kagalakan at unawa. Napakaraming bagay pala ang hindi ko alam. Di naman ako niyayakag ng akong mga magulang na dumalo sa kanilang pagtitipon. Sa loob-loob ko, 'yakagin nyo na ako, gusto ko nang sumama sa inyo'. Siguro, natandaan nila yung sinabi ko na kailanman ay di ako sasama sa ADD. Subalit isang araw, nabalitaan kong umanib na rin isa sa aking mga tiyahin. Siya ang yumakag sa akin na dumalo sa mga prayer meetings. Ibang-iba talaga ang samahang ito sabi ko sa sarili. Sa gayak pa lang at kilos ng mga kapatiran madadama mo na ang talagang ang samahang ito'y tunay. Isinama nila ako sa lokal upang makinig ng doctrina. Dahil sa medyo late na ako sa pakikinig may mga bagay akong di maunawaan na nagdulot sa akin ng pagkalito. Kaya't ako'y tumigil muna at pansamantalang nag-isip at nagsuri. Isa ang resulta ng aking pagsusuri, ang samahang ito ang nag-iisang tunay sa panahon nating ito. Kaya't nang mabukas muli ng Mass Indoctrinationay di na ako nagpatumpik-tumpik pa. Ako na mismo ang nagpunta sa lokal upang magpadoctrina.
February 9, 2001 - Nang tanggapin ko ang banal na bautismo. Mula noo'y naging iba na ang aking pananaw sa buhay. Mas simple pero mas masaya. ika nga e, fulfilled. At ngayon, limang taon na pala ang nakakalipas... Marami na akong nasaksihan sa loob ng iglesia. Mga kamangh-manghang gawa ng Dios. Ang nag-iisang samahan sa panahong ito. Inaapi, inaalimuta subalit nananatiling matatag sa tulong at awa ng Dios.
Nasaan na ako? Nandito na ako ako ngayon sa isang bansang di kumikilala sa Dios. Minsan akong nadapa, subalit sa awa ng Dios ay nakapagpapatuloy. Kapiling ang anim pa sa ating mga kapatid ay nakapananatiling matibay. Salamat po sa Dios! Salamat po sa bigay niyang mga taga-akay sa atin. Salamat po sa Dios dahil sa kapatid na Eli!




